Sunday, November 24, 2019

Pagiging Tao


Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan...Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isa’t isa.
1 Pedro 3:8 ASD


Basahin: 1 Pedro 2:11-17; 3:8-9

11 Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu. 

12 Sa lahat ng oras, ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Dios ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Dios sa araw ng pagdating Niya.

13 Alang-alang sa Panginoon, magpasakop kayo sa lahat ng tagapamahala ng bayan, maging sa emperador na may pinakamataas na kapangyarihan 

14 o sa mga gobernador na sinugo ng Dios para magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti.
15 Sapagkat ito ang kalooban ng Dios, na sa pamamagitan ng mabubuti ninyong gawa ay walang 
masabi ang mga hangal na walang alam sa katotohanan.
16 Malaya nga kayo, pero hindi ito nangangahulugang malaya na kayong gumawa ng masama, kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Dios. 

17 Igalang nʼyo ang lahat ng tao at mahalin nʼyo ang mga kapatid ninyo kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Dios, at igalang ninyo ang Emperador.
1 Pedro 3:8-9
8 Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa.
9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din Niya kayo.
1 Pedro 2:11-17; 3:8-9 (Ang Salita ng Dios)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.

Minsan, isang pulis ang tinanong kung ano ang katungkulan nito sa kanilang lugar. Kahit mataas ang kanyang posisyon, hindi niya ito ipinagmalaki. Sinabi niya, “Mga tao kaming naglilingkod sa kapwa na dumaranas ng krisis sa buhay.”
Nagpakita ng kapakumbabaan ang pulis. Kahit mataas ang katungkulan niya, itinuring niyang kapantay lang din siya ng iba. Ipinaalala nito sa akin ang mga sinabi ni Pedro sa mga sumasampalataya kay Jesus na dumaranas noon ng pag-uusig. Sinabi ni Pedro, “Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan...Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isa’t isa” (1 Pedro 3:8). Marahil, nais iparating ni Pedro na tumulong sa kapwa habang nasa isip na pantay-pantay tayong lahat. Parang ganoon ang ginawa ng Dios, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesus at naging taong tulad natin para iligtas tayo (Filipos 2:7).

Dahil makasalanan tayo, maaaring may pagkakataon na hinahamak natin ang ating pagiging tao. Pero sa halip na hamakin ang pagiging tao natin, tumulong na lang tayo sa ating kapwa. Itinuturo sa atin ni Jesus kung paano mamuhay bilang tao. Itinuturo Niya na maglingkod tayo sa isa’t isa na itinuturing na pantay-pantay ang lahat. Nilikha tayo ng Dios bilang tao na kawangis Niya at iniligtas dahil sa Kanyang lubos na pagmamahal.
Nakakasalamuha tayo ngayon ng mga taong may iba’t ibang hinaharap na problema. Napakaganda kung magtutulungan tayo bilang mga tao na nagpapakumbaba sa isa’t isa.
-Elisa Morgan

Matututo tayong magpakumbaba kapag kilala natin ang Dios at ang ating sarili.
Copyright © 2019 Our Daily Bread Ministries, All rights reserved.
React, Share and post your reflections.
Follow us on Twitter: twitter.com/odbpilipinas
and on Instagram: instagram.com/odbpilipinas
Visit tagalog-odb.org for more

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.

TEAM KAGU version 2.0

                                 STRONGER THAN BEFORE!!!! playing pass the message is so fun especially when the messag...